Lagi na Lang


Lagi na Lang
ni Pia Sison

"August 7, 2012
Marikina City
Minamahal kong Nestor,

      Tandang tanda ko pa – tatlong taon pa lang ang nakalipas, dumating ang pinakamalaking sakuna sa ating walang hanggang pagmamahalan. Naging malupit siya sa ating tahanan at sa ating tinubuang lupa. Nadama ko ang seguridad nang hinawakan mo ang aking kamay nang hindi ako matanggay. Sinabi ko sa aking sarili na hangga’t hindi tayo naghihiwalay ay alam kong malalampasan natin ito. Ngunit sa bawat yapak natin palabas, lalong lumakas ang alon sa buhay na ating hinaharap. Sa bawat yapak, unting-unti kong naramdaman ang pagkalag ng ating mga daliri. Nawala ka sa aking paningin at ang tanging nagawa ko ay ipagdasal sa Diyos na tayo ay magkatagpo muli.

              Ang tubig ay isa sa mga pang-araw-araw nating pangagailangan – ito ay nagbibigay buhay at ginhawa sa ating mga uhaw at tuyong mga lalamunan. Ngunit aakalain mo ba na darating ang araw na ang bagay na nagbibigay sa atin ng buhay ay maaari ring magkitil nito?

              Kamakailan lamang ay may bagyo na naman – ngunit ipinagpipilitan ng pamahalaan na hindi ito bagyo kundi habagat lamang. Natural, naapektuhan na naman ang ating tirahan; ngunit ngayon, magisa na lamang ako lalaban sa pagsubok na ito. Bakit mo nga ba ako iniwan? Bakit mo kinailangang pabayaan ang kamay kong sabik sa iyong proteksyon?

           Sa hina na ng aking katawan ay mabagal kong naitaas ang mga kagamitan natin; yung iba ay hinayaan ko na lang pumalaot sa labas. Tila ay hindi na kakayanin ng puspos na sa karamdaman kong katawan gawa ng katandaan ang mga ganitong klase ng sakuna. Dili-hindi, binigyan ko ng importansya ang mga huli kong alaala sa iyo bago mo pa man ako iniwan. Lumipas ang bawat minuto at oras na nakaabang lamang ako na humupa ang tubig ngunit, mas lalong tumaas ang lebel ng tubig. Wala akong magawa kundi tignan lamang ang mabilis nitong magpasok sa ating tahanan. Tumingin ako sa durungawan at nakita ang ating mga kapit bahay na unting unti ng nageempake upang lumikas. Pilitin ko man ay marahil hindi ko na ata kayang maghanda pa’t lumikas. Sa durungawan na iyon din ay tanaw ko ang Camacho Nangka Covered Court na lubog na rin sa tubig. Ito rati ang ginamit para sa mga Relief Operation. Ngunit, kung ang mismong lugar na dapat hinihingan ng tulong ay lubog na, may pag-asa pa ba? Marahil ay nailipat ang relief operations sa Nangka Elementary school; ngunit sa layo niyon sa ating tahanan ay ang tanging magagawa ko ay maghintay na lang ng pagsikat ng bagong araw.

           Alam mo, lapitin nga siguro tayo ng sakuna, ano? Natatandaan ko pa nung unta tayong nagkita; kasagsagan ng bagyong Yoling n’on – apektadong-apektado ang Metro Manila. Nakilala kita sa mga Relief Operation na aking sinalihan. Kahit na nasalanta rin ang aking tahanan ay minabuti ko pa rin tumulong sa iba at aba, hindi naman ako nagsisi dahilt nakilala naman kita. Kung iisipin, marahil ay mayroon din mabuting nadudulot ang bagyo paminsan minsan dahil sa araw na iyon nagsimula ang matamis nating pag-iibigan. Sabay tayong bumangon at nagsimula muli.

               O’ Nestor, ayan na ang araw! Humuhupa na ang tubig. Isa na namang trahedya ang mag-isa kong hinarap. Paano ba ‘yan, sa susunod nalang muli; sana sa susunod, makapiling kita muli.

Nagmamahal ng wagas,
Coring”

                Matapos magsulat ni Coring para sa kanyang asawang si Nestor ay nag-ayos na siya ng bahay na kahapon lang ay nasalanta ng bagyo. Ang tanging nasabi niya sa sarili ay, “Hay, mag-isa na naman ako. Mali, mag-isa pa rin ako.”


0 komento:

Post a Comment


up