Binura ng Baha, Binalik ng Kababata


Binura ng Baha, Binalik ng Kababata
ni : Jero Remigio

              Umuulan noong nagising ako.


            "Nasaan ako?" Ang una kong sinambit. Dahan-dahan akong bumangon mula sa pagkakahiga sa kama, sumasakit pa ang ulo ko. Tumingin ako sa kapaligiran at napansin ko na ako'y nasa isang ospital.

             Noong may nagdaang nars sa pintuan, gulat na gulat siyang tumingin sa akin at dali-dali siyang tumakbo. Maya-maya ay biglang may pumasok na lalaki sa kwarto ko. Hindi ko siya kilala ngunit mukhang alalang-alala siya akin. Wala siyang imik habang siya'y naglakad papalapit sa akin. Ang kanyang ngiti ay abot tainga. "Kamusta ka na? Ang tagal mong natulog" Ang boses niya'y mangatog-ngatog. "Sino ako? Sino ka?" Nangupas ang mga ngiti niya sa labi.

           "Dok, bakit ho wala siyang natatandaan?" Tanong ng lalaki "Nakaranas siya ng severe head injury, sanhi ito ng kanyang pagkakalunod, at nagresulta ng pagkawala ng kanyang memorya" sabi ng doktor. Paikot-ikot ang lalaki, kita ang pangamba sa kanyang mga mata. "Pwede ko po bang malaman kung kailan ko siya maaaring iuwi?" Mas nangamba ako, dahil isang lalaking hindi ko naman alam ang pagkakakilanlan ang nasa tabi ko ngayon, at ang mas masama pa doon ay gusto niya ako iuwi. "Pwede na siyang ma-discharge sa lalong madaling panahon" Tugon ng doktor. "Salamat po, dok" Tumango ang lalaki. "Huwag kayong mag-alala at tiyakan babalik din ang memorya niya kung dahan-dahan mong ipapaalala ang mga ito" Habol ng doktor habang palabas ng pinto. "Halina't uuwi na tayo" sabi ng lalaki. Hinawakan niya ang kamay ko, ngunit sinampal ko ito papalayo. "Hindi kita kilala!" Hiyaw ko sa kanya. Ang mga kilay niya'y nagdikit sa inis. "Ako nalang ang pamilya mo ngayon kaya sumama ka na sa akin!" Dinampot niya ako at isinampay sa balikat niya. "Bitawan mo ako!" Nagpupumiglas ako, ngunit nanglalata pa ang aking katawan. Wala akong nagawa kundi sumama nalang sa kanya.


              "May sasabihin ako sa iyo" Noong kumalma na ako ay tumigil kami sa isang malaking tarangkahan. Tila abandonado na ang lugar pero may mga bantay pa rin na naka-poste. "Nasaan tayo?" Tanong ko habang ako'y sumusulyap sa labas. Malakas pa rin ang ulan kaya sa palagay ko'y hindi kami bababa ng kotse. "Provident Village, hindi mo na matandaan?" Tanong niya sa akin habang ako'y umiling. "Nakaranas siya ng severe head injury" Bigla nanaman ako napaisip. Hindi ko kilala itong lalaking kasama ko ngunit panatag ang loob ko sa kanya. Pero bakit siya lang ang kasama ko noong nagising ako? May nanay ba ako? Mga kapatid? O kaya naman mga kaibigan? "Limang taon na ang nakakalipas, dumating sa Pilipinas ang bagyong Ondoy..." Tumingin siya sa malayo, ang mukha niya'y 'di maipinta. "...Walang tigil na ulan ay nagdulot ng malaking baha sa maraming lugar, kasama na dito..." Dahan-dahang tumulay ang mga luha sa pisngi niya. "...Kumitil sa buhay ng maraming tao..." Takot ang naghari sa puso ko. "...Kasama na ang pamilya ko at ang sa iyo" Umikot ang paningin ko at tumigil ang mundo ko.

            "Jack!" Pagmulat ng aking mga mata, siya lang ang nakita. "Papaano mong-- Naaalala mo na ba ako?" Tanong niya at ako'y umiling ng hindi. "Sumisigaw ako ng Jack sa panaginip ko” Muling tumingin siya sa daan. "Malapit na tayo sa bahay ni tita Ana" Hanggang ngayon hindi ko pa rin siya maalala, pero bakit ayaw niya rin magpakilala sa akin ng kusa. "Nandito na tayo. Si tita Ana yung nakabihis ng luntian" Tinuro niya sa salamin at lumabas siya ng kotse para salubungin niya ang pamilya ni tita Ana. "Jack! Ang tagal nating hindi nagkita!" Mahigpit siyang niyakap ni tita Ana. "Tita, si Mandy po, yung binibisita mo sa ospital noon" Sumunod akong lumabas ng kotse at nagmano kay tita Ana. "Kamusta ka na?" Natutuwa niyang binangit sakin. "Madalas kitang bisitahin noon sa ospital noong nasa comatose ka" Sunod niya. Nagulat ako sa nalaman ko. Comatose? Kailan pa? Hinawakan ni Jack ang aking kamay at sinabing "Halika't pumasok muna tayo"

             "Kasagsagan iyon ng Ondoy noong mangyari ang aksidente" Sambit ni tita Ana. "Tita, ako na lang po ang magpapaalam kay Mandy" tinapik ni Jack and balikat ni tita Ana. "Sige, ikukuha ko nalang kayo ng kape" Tumayo si tita Ana at umupo si Jack sa tabi ko. "Nakita kitang lumabas ng bahay niyo, kita kong tulirong-tuliro ka. Noong nilapitan kita, sabi mo ay nagsisimula nang tumaas ang tubig sa bahay niyo. Desidido akong tulungan ka kahit bumabaha na rin sa loob ng bahay ko, pero doon na tayo inabutan..." Tumigil siya sa pagkwento. "Inabutan?! Inabutan ng ano?!" Sigaw ko, na ikinagulat naman ng mga pinsan niya na kasama namin. "Doon na tayo inabutan ng malaking baha. Ang bilis-bilis ng mga pangyayari..." Panandalian siyang pumikit at binalikan ang mga kaganapan. "Humawak ako sa isang poste, pero bumitaw din dahil niyapos kita para hindi ka mawala" Hindi ko na alam ang dapat kong maramdaman, kung galit ba o pasasalamat. "Dahil sa sobrang lakas ng agos ng tubig, malayo ang inabot natin. Nagpumilit akong lumangoy sa pinakamalapit na lapag, sinubukan kitang gisingin, pero hindi ka na humihinga" Dumating si tita Ana sa sala na may hawak na mga kape. "Nilapitan ako ng mga medical team at kinuha ka nila. Ang sabi nila sa'kin ay nasa comatose ka daw at hindi nila tiyak kung kailan ka gigising, magmula noon, hindi na ako umalis sa tabi mo, araw-araw ay kinakausap ko ang walang malay na si Mandy, umaasang isang araw ay magigising ka na, hanggang sa kanina" Sa sobrang galit, nasampal ko si Jack. "Bakit?! Bakit ka nag-sayang ng limang taon sa paghihintay sa akin? Hindi mo naman alam kung magigising pa ako!" Bigla akong humagulgol ng iyak. "Ang ibig mo bang sabihin sa akin, hindi mo na pinahalagahan ang sarili mo at binantayan mo lang ako bawat segundo ng buhay mo?!" Sigaw ko sa kanya. Bumuntong hininga si Jack at napahawak sa mga kamay ko. "Mandy, hindi mo pa rin ba ako natatandaan?" Tumibok ang puso ko sa mga salita niya. "Kaya ako handang tulungan ka sa bawat sandali, kaya ako naghintay ng limang taon..." Hinigpitan niya ang hawak sa mga kamay ko. "Dahil ako ang... ako ang kababata mo."

             "Kababata? Bakit ka nagsinungalin?" Tanong ng isang pinsan ni Jack. "Hindi ko alam, basta 'wag na lang kayong maingay" Sagot niya. Dumating ako suot ang mga pinaglumaang damit ni tita Ana. "Tara na, Jack" Pupuntahan namin ang puntod ni inay at ang pamilya ni Jack na sabay yumao noong bagyo. Malaki-laki din ang naging utang ko sa kanila, limang taon. Sumakay kami sa kotse ni Jack at tumuloy sa destinasyon namin. "Ilang taon tayo noong nangyari ang aksidente?" Tanong ko. "Labimpitong gulang tayo. Tumigil akong mag-aral at nagsimulang magtrabaho para sa bayarin sa ospital. Nakahingi ako ng tulong kay tita Ana at sa iba pang mga kamag-anak ko, wala kasi akong kilala sa iyo" "Alam mo Jack, sa palagay ko'y hindi na maaalis ang galit ko para sayo dahil sa ginawa mo sa buhay mo" Naramdaman ko ang panandaliang titig niya sa akin bago siya tumingin ulit sa daan. "Pinabayaan mo ang sarili mo para lang sa kababata mo?" Hindi siya tumingin sa akin "Kahit sino naman ay gagawin iyon, 'di ba? Kung sa akin ba nangyari iyon, hindi mo ba ako tutulungan?" Tanong niya sa akin. "Hindi. Kasi hindi naman kita kilala", sagot ko.

              Tumigil kami sa Evergreen, at ilang yapak pa ay narating din namin ang huling hantungan ng mga minamahal namin sa buhay. Naluha ako noong nakita kong naka-ukit sa lapida ang ngalan ng nanay ko, ngunit mas naluha ako noong nakita ko ang sa pamilya ni Jack. Nagagalit ako sa sarili ko sapagkat kung hindi dahil sa akin ay nailigtas niya siguro ang sarili niyang pamilya. "Maari pa rin mawala ang galit ko, sa isang kondisyon" "Ano?!" Pasigaw niyang tinanong sa akin, kitang-kita ang galak sa mga mata niya. "Isang tanong, isang sagot, at siguraduhin mo lang na magiging totoo ka sa akin" Sinabi ko habang siya'y tumango. "Pangako, magiging tapat ako" Sagot niya. Muli, ako'y lumingon sa nanay ko at sa pamilya niya. "Sino ka ba talaga? Dahil sa mga ginawa mo para sa akin ay sigurado akong hindi lang tayo magkababata" Panandalian na naman siyang pumikit at tahimik na natawa. "Paano mo akong nahuli?" “Sa panaginip ko”, ako’y napahagikgik. “Hinihintay ko pa rin ang sagot mo…” Niyapos ako ni Jack nang mahigpit. “Mukhang kulang ang pagpapakilala ko sa’yo kanina…” Nilapit niya ang kanyang mga labi sa aking tainga at bumulong. “Ako nga pala si Jack, ang kababata at nobyo mo.”

0 komento:

Post a Comment


up